Tinatayang aabot sa 15 katao ang nasawi at apat ang nawawala sa pananalasa ng bagyong Maring sa Region 1.
Ayon kay Mark Masudog, Information officer ng Office of the Civil Defense (OCD) Region 1, karamihan sa mga nasawi ay sa bahagi ng Ilocos Sur.
Pero nagsasagawa pa rin sila ng validation sa bilang ng mga nawawala.
Umaabot naman sa halos 650 million ang halaga ng pinsala sa agrikultura habang 5.6 million naman ang halaga ng pinsala sa fisheries o palaisdaan ayon sa datos ng Department of Agriculture.
Inaasahan na tataas pa ito dahil patuloy ang pangangalap ng datos ng DA mula sa ibat ibang lugar sa rehiyon.
Samantala, umaabot naman sa humigit kumulang 104,207 individual o 25, 063 na pamilya ang apektado ng malawakang pagbaha sa ibat ibang lugar sa region 1.
Ayon kay Masudog, sa ngayon ay patuloy ang pakikipag-ugnayan ng OCD sa ibat ibang ahensya ng gobyerno at sa mga LGU para malaman kung ano ang pangangailangan ng mga apektadong mamamayan.
Ang DSWD ay nakikipag ugnayan na rin sa ibat ibang LGU at agencies upang maiparating ang mga tulog sa mga apektadong pamilya.
May kahirapan aniya ang pagdadala ng mga relief goods sa mga island barangay dahil hindi mapuntahan dala ng mataas pa ring tubig baha.
Humingi na sila ng tulong sa Philippine Airforce upang magdala at maghatid ng tulong.
Dagdag pa niya na inaayos na rin ang mga daan na natabunan ng putik para makadaan ang mga sasakyan at makauwi ang estranded na mga pasahero.