Dagupan City – Nakasungkit ng gintong medalya ang 15-anyos na pambato ng bansang Pilipinas sa 9th World Wado Ryu Karatedo Championships.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Alejandro Enrico Vasquez, National president ng Pangasinan Karate Pilipinas Sports Federation, hindi naging madali ang kanilang isinagawang preparasyon dahil maraming kailangang isakripisyo.
Gaya na lamang ng pangongondisyon ng katawan, pagprepara sa mga kinakailangan, pag-eensayo at ang pagsabay sa pag-aaral.
Ngunit sa kabila nito, hindi naman ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakapag-uwi ng medalya si Shane Enrico L Vasquez, dahil nakapag-uwi na rin siya sa mga nakaraang laban nito.
Ayon kay Shane, hindi rin naging madali ang kaniyang naging pagsabak, dahil ang kaniyang mga nakaharap ay nasa Male Kata 15 years old to 18 years old category.
Bagama’t may mga pagsubok na naranasan, lubos naman ang kaniyang pasasalamat sa nakamit na medalya sa 9th World Wado Ryu Karatedo Championships sa Tokyo, Budokan, Japan.