Dagupan City – Nagkansela na ng mga klase ang 14 Munisipalidad sa Region 1 bunsod ng nararanasang mataas na heat index.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Tolentino Aquino, Director ng Department of Education Region I, ito ay mahalaga upang bigyang prayoridad ang kalagayan ng mga mag-aaral at kaguruan.

Aniya, magbabalik muna ang mga ito sa synchronous and asynchronous learning modalities bilang alternatibang delivery mode ng kanilang modules at pag-aaral.

--Ads--

Ang mga kabilang namang munisipalidad rito ay ang Dagupan City, Alaminos City, San Carlos City, bayan ng Aguilar, Mangatarem, Malasiqui, Urbiztondo, Mangaldan, Sta. Barbara, Mapandan, Calasiao, Lingayen, San Manuel, at sa bayan ng Bani naman na isasagawa tuwing hapon.

Kaunay nito ay tiniyak naman nito na sapat pa rin ang mga printed modules at pondo para sa mga mag-aaral at kung magkulang man ay maari namang magsend ng request letter ang mga paaralan dahil bukas naman ang tanggapan ng Departamento ng Central Office.

Nauna nang nilinaw ni Aquino na ang mga mag-aaral at kaguruan ay malaya ring hindi magsuot ng uniporme dala ng init ng panahon hangga’t sumusunod ang mga ito sa proper dress code.

Ipinaabot naman nito ang kaniyang pasasalamat sa mga lokal na pamahalaan sa bawa’t bayan na siyang nagiging katuwang ng Department of Education sa pag-antabay sa lagay ng panahon na siyang nagpapahintulot na magpatupad ng suspension sa mga face-to-face classes.

Samantala, sinabi rin ni Aquino na nakaantabay ang DepEd R1 sa banta ng Pertussis o Whooping Cough sa bansa partikular na sa kanilang nasasakupan sa region 1.