Hustisya ang hiling ng pamilya ng 14 anyos na binatilyo matapos magtamo ng saksak at pinagtulungang bugbugin ng hindi bababa sa sampung indibidwal sa Sitio Riverside sa Barangay Embarcadero sa bayan ng Mangaldan dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa bahagi ng naging panayam sa kapatid ng biktima, bago umano ang insidente ay lumabas ng kanilang bahay ang biktima papunta sa isang computer shop upang magresearch para sa kaniyang modules at kasama nito ang isa niyang kaibigan.
Makalipas umano ang ilang minuto ay nakauwi pa siya ng kanilang bahay ngunit ng muling lumabas ito ay nakasalubong nila ang dalawang miyembro ng LGBT at dito sila inayang uminom.
Matapos nilang uminom ay dito na niyaya ang dalawang binatilyo upang iuwi sa magkahiwalay na bahay dahil sa kagustuhan ng dalawang miyembro ng LGBT na magkaroon ng sekswal na transaksyon sa biktima at sa kaibigan nito.
Nang makarating umano sa may Sitio Riverside kung saan siya dinala ng kasama nitong miyembro ng LGBT ay nakapag text pa ang biktima sa kaniyang kaibigan at sinabi nito na hindi niya gustong makipagtalik sa kasama nito.
At habang naglalakad umano ito ay nadaanan nito ang ilang grupo ng kalalakihan na nag iinuman din doon sa lugar at dito na “kinursunada” o pinag tripan ang biktima at sabay sabay na siyang pinagtulungang bugbugin ng mga suspek ng walang kalaban laban.
Hindi pa umano nakuntento ang mga ito at sinaksak pa sa dibdib ang biktima na naging sanhi ng agaran nitong pagkamatay.
Wala rin umanong gaanong tao sa lugar ng mga oras na yun kaya saka pa lamang naitakbo ang biktima sa pagamutan ng maiparating sa kaniyang mga kaanak ang insidente ngunit idineklara din itong dead on arrival.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng pulisya at nakatakdang sampahan ng kaso ang dalawa sa mga suspek na sumaksak at nakapatay sa isang 14 anyos na binatilyo sa Sitio Riverside sa barangay Embarcadero, Mangaldan.
Habang ang isang pang suspek ay nasa pangangalaga pansamantala ng DSWD dahil sa menor de edad pa lamang ito.
Nais din ng kapatid ng biktima na imbestigahan din ang dalawang miyembro ng LGBT community dahil ito ang kasama ng biktima bago mangyari ang insidente.