Dagupan City – Nasawi ang 13-anyos na studyante matapos malunod sa isang ilog sa bayan ng Lingayen sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Ofel.
Ayon kay Kimpee Jayson Cruz, Local Disaster Risk Reduction Management Officer III ng Lingayen kinilala ang biktima na residente ng Brgy. Basing sa bayan.
Lumalabas naman sa kanilang inisyal na imbistigasyon na nagkayayaan ang mga ito kasama ang ilan pang kapwa menor-de-edad na maligo sa Agno River sa barangay Aliwekwek sa bayan.
Ngunit dahil sa tindi ng hagupit ng pagragasa ng tubig sa ilog, nahatak umano ang biktima na nagresulta sa kaniya upang hindi na mahagilap at makita pa.
Agad namang pinaghahanap ito sa nasabing bahagi kung saan sila itinurong naligo, ngunit sumapit na ang gabi sa paghahanap ay hindi pa rin natagpuan ang biktima.
Kinabukasan dakong alas-10 ng umaga sa patuloy na paghahanap ng mga rescuers ay natagpuan na lamang ang biktima na palutang-lutang at wala ng buhay.
Muli namang nagpaalala ang mga ito na huwag munang maligo sa mga ilog dahil na rin sa banta ng bagyo at ang ginagawang pagbabantay sa bagyong pepito na nakapasok na sa PAR upang maiwasan ang hindi inaasahang pagkakataon.