Mga kabombo! Alam niyo ba na natagpuan na ang higit 100 taong Philippine Flag?
Natagpuan kasi ng isang local historian na si Errol Santillan ang isang Philippine flag na tinatayang 127-year-old sa Antique.
Bukod sa pagiging historian, si Santillan ay naglingkod din bilang dating board member ng Antique.
Sa katunayan, nakikipag-ugnayan na siya ngayon sa National Historical Commission of the Philippines para ideklara ito bilang isang national treasure.
Ngunit sa ngayon, ang natagpuang Philippine flag ay nasa pag-iingat ng pamilya ni 2nd Liutenant Ruperto Abellon.
Si Abellon ang second-in-command sa Visayas sa ilalim ni General Leandro Fullon noong panahon ng Philippine Revolution at ng Philippine-United States War.
Si General Fullon ang nanguna sa armed expedition na ipinadala ni Gen. Emilio Aguinaldo mula sa Luzon para mabawi ang Antique mula sa mga Kastila noong September 6, 1898.
Batay sa Philippine history, isang pangkat na binubuo ng 140 opisyal at 340 sundalo ang dumating sa Pandan, Antique, noong September 21, 1898.
Batay naman sa salaysay ng 79 taong gulang na apo ni Abellon, ang Philippine flag ay pinaniniwalaang galing sa Hong Kong.
Dala-dala ito ni Aguinaldo nang magbalik sa Pilipinas noong May 19, 1898.
Binigyan si Santillan ng mga Abellon ng pahintulot na maisapubliko ang “century-old Philippine flag,” na ayon sa local historian ay may sukat na “53 inches in width and 93 inches in length.”
Tulad ng kasalukuyang bandila ng Pilipinas, taglay ng natagpuang Philippine flag ang mga kulay na pula, asul at puti; at ang tatlong bituin na sumisimbolo sa Luzon, Visayas at Mindanao.