Dagupan City – Ilulunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan sa pangunguna ni Governor Ramon V. Guico III ang Tour de Pangasinan: Padyak sa Kalayaan bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-128 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas sa Hunyo 12.
Lalahukan ito ng 126 na siklistang Pangasinense na magtatagisan ng lakas, bilis, at tibay sa rutang magsisimula sa Umingan at magtatapos sa Kapitolyo ng Pangasinan sa Lingayen. Daraan ang karera sa ilang bayan sa lalawigan kabilang ang Balungao, Rosales, Villasis, Malasiqui, Bayambang, Basista, Urdaneta City, Mangatarem, Aguilar, Bugallon, at Labrador.
Layunin ng aktibidad na itaguyod ang diwa ng kalayaan, pagkakaisa, at pagmamahal sa bayan kasabay ng pagsusulong ng pagbibisikleta bilang alternatibong transportasyon at paraan upang mabawasan ang carbon emissions.
Inaasahan ding makatutulong ang Tour de Pangasinan sa pagpapalakas ng turismo at lokal na ekonomiya habang ipinakikilala ang lalawigan bilang isa sa mga umuusbong na sports hub sa bansa.
Paglalabanan ng mga kalahok ang iba’t ibang kategorya tulad ng Blue Jersey para sa overall champion, Green Jersey para sa Sprint King, Polka Dot Jersey para sa King of the Mountain, White Jersey para sa Best Young Rider, at Red Jersey para sa Most Combative Rider, kalakip ang tropeo at cash prizes para sa mga magwawagi.










