Bibisita sa bansa ang isang delegasyon ng mga kompanya sa Turkey sa susunod na buwan upang tuklasin ang mga oportunidad sa pamumuhunan.
Ayon kay Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) president Ferdinand Ferrer, ang mga kompanya ay magsasagawa ng business mission sa bansa.
Ang mga kompanya ay interesado umano sa agriculture at furniture sectors.
Noong Abril ay nakipagpulong si Trade Undersecretary and Board of Investments Managing Head Ceferino Rodolfo kay Turkish Trade Minister Ömer Bolat sa Istanbul, kung saan muling pinagtibay ng dalawang bansa ang kooperasyon sa trade, investment, defense, agriculture, manufacturing at services.
Ang dalawang opisyal ay nagpahayag din ng suporta sa pagpapatuloy ng Philippines-Türkiye Joint Committee on Economic and Technical Cooperation, na nagsimula noong 2018.
Ang pagbisita ay kasunod ng mga pagsisikap ng Pilipinas at Türkiye na palakasin ang trade at investment ties.










