DAGUPAN CITY – Inaresto ng Asingan PNP ang 12 indibidwal na kinabibilangan ng 9 na menor de edad at 3 iba pa na nasa hustong gulang matapos silang maaktuhan na naliligo sa ilog sa kabila ng maigting na ipinatutupad na Extreme Enhance Community Quarantine.

Ayon kay Asingan COP P/Maj. Leonard Zacarias, nakatanggap sila ng ulat mula sa isang concerned citizen kaugnay sa nasabing aktibidad ng mga nahuling indibidwal partikular na sa Brgy. Poblacion East. Agad silang dinala sa himpilan ng pulisya at ipinatawag ang kanilang mga magulang.

Dahil sa pagiging abala ng mga Brgy. Officials sa naturang lugar, hindi nila napansin ang balak ng mga magbabarkada.

--Ads--

Mula sa salaysay ng mga nahuling indibidwal, nagtungo sila sa ilog upang manghuli ng isda para sila’y mayroong makain.

Abala din sa pagpapahinga ang kanilang mga magulang sa oras na iyon kayat hindi nila namalayan ang paglabas ng mga ito.

Giit ni Zacarias, dahil menor de edad ang mga violators, mismong magulang ng mga ito ang sasalo sa kaukulang kaparusahan.

Gayunpaman, pinayuhan na lamang nila ang mga ito na ugaliing tumalima sa bawat batas na pinapairal lalo pa’t kasalukuyan pa ding nasa ilalim ng Extreme Enhance Community Quarantine ang lalawigan ng Pangasinan.

Asingan COP P/Maj. Leonard Zacarias

Laking tuwa naman ng opisyal dahil sa kanilang monitoring, malaki ang ibinaba ng bilang nga mga violators sa kanilang bayan kumpara noong mga unang linggo ng implementasyon ng EECQ na halos gabi-gabi ay mayroon silang mga nahuhuli.