Nasawi ang isang 12-anyos na lalaki matapos malunod sa Estanza Beach sa Barangay Estanza, Lingayen, Pangasinan.
Ayon kay PLT Roberto De Vera, Duty Officer ng Lingayen Municipal Police Station, natanggap ng kanilang himpilan ang ulat ng insidente noong umaga ng Hulyo 12 at agad na rumesponde ang mga pulis kasama ang mga tauhan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO), at mga opisyal ng barangay.
Batay sa imbestigasyon, nagtungo ang biktima sa Estanza Beach kasama ang isa niyang 12-anyos na kaibigan matapos nilang malaman na naroon ang iba pa nilang mga kalaro.
Habang naliligo, lumangoy ang biktima patungo sa mas malalim na bahagi ng dagat habang may hawak na bola.
Sa kabila ng babala ng kanyang mga kasamahan dahil sa malalakas na alon, nagpatuloy ito hanggang sa matangay ng malakas na agos at tuluyang mawala sa kanilang paningin.
Agad na nagsumbong ang kasama ng biktima sa kanyang mga magulang, na siya namang nag-ulat sa mga opisyal ng barangay.
Mabilis namang ikinasa ang search and retrieval operation ng PDRRMO, LDRRMO, mga opisyal ng barangay, at Lingayen Police Station, subalit hindi agad natagpuan ang bata.
Kinabukasan, bandang alas-5:00 ng umaga, natagpuan ng stepfather ng biktima ang kanyang bangkay sa katubigang sakop ng Barangay Sabangan.
Dinala ito sa Lingayen District Hospital ngunit idineklara itong dead on arrival. Batay sa pagsusuri ng attending physician, ang sanhi ng pagkamatay ay asphyxia due to drowning.
Nagpaalala si PLT De Vera sa publiko na iwasang maligo sa dagat kapag masama ang panahon at malalakas ang alon.
Hinikayat din niya ang mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak at sundin ang mga babala ng mga awtoridad upang maiwasan ang kaparehong trahedya.










