Nawawala pa rin ang katawan ng isang 12-anyos na binatilyo matapos itong malunod sa isang ilog noong Sabado, Setyembre a-10, dakong alas-3:00 ng hapon.


Sa naging panayam kay Raymondo Santos, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Sta. Barbara, kinilala ang biktima na si Adrian Gonzales Dagmil, grade 6, at residente ng Barangay Maticmatic, Sta. Barbara.


Base sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na naligo ang biktima sa ulan at dumeretso ito papuntang Sinocalan River kasama ang dalawa pang mga bata, subalit hindi ito marunong lumangoy na naging dahilan naman ng kanyang pagkasawi.

--Ads--


Dagdag pa ni Santos na sa ngayon ay mababaw naman ang lebel ng tubig sa naturang ilog, subalit malalim ang parte kung saan nalunod ang biktima dahil mayroong isinasagawang pagku-quarry sa lugar. Hindi na rin nasagip ang nasabing biktima dahil nabitiwan nila ito, subalit nailigtas naman ang dalawa pang bata na kasama nito.


Hanggang ngayon ay nagsasagawa pa rin ang MDRRMO ng search and retrieval operations kasama ang Dagupan Coast Guard at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council na sinimulan nila noong Sabado, subalit hindi pa rin nila nahahanap ang katawan ng nasabing bata.


Binigyang-diin naman ni Santos na masyadong malakas ang agos ng tubig sa ilog kaya nahihirapan silang mahanap ang katawan ng bata. Nakipag-ugnayan na rin ang MDRRMO Sta. Barbara sa MDRRMO ng Calasiao upang maitawag kaagad sa kanilang himpilan kung sakaling mamataan naman nila ang nawawala pa ring katawan ng nasabing biktima.

TINIG NI RAYMONDO SANTOS