Dagupan City – Nagtala ng tagumpay ang halos lahat ng mga Local Government Units (LGUs) sa ikatlong distrito ng Pangasinan na kinabibilangan ng Calasiao, Sta. Barbara, Malasiqui, Mapandan, at Bayambang, matapos makamit ang 100% compliance sa Full Disclosure Policy (FDP) postings mula taong 2024 hanggang sa unang kwarter ng 2025.
Ang Full Disclosure Policy ay isang mahalagang mekanismo na nagsusulong ng bukas at tapat na pamahalaan.
Sa pamamagitan ng regular na paglalathala ng mga dokumentong pinansyal at administratibo sa FDP Portal, masisiguro ng mga LGU na may akses ang publiko sa mga mahahalagang impormasyon tungkol sa paggasta ng pondo at mga programang ipinatutupad ng kanilang pamahalaan.
Sa pagkamit ng 100% compliance, ipinakita ng mga LGU sa 3rd District na aktibo silang nakikibahagi sa pagpapalakas ng ugnayan sa kanilang mga mamamayan sa pamamagitan ng tamang impormasyon at bukas na pamamahala.
Hindi rin ito unang beses na napatunayan ng mga bayan ng Calasiao, Sta. Barbara, Malasiqui, Mapandan, at Bayambang ang kanilang kahusayan sa pamumuno.
Samantala, bahagi rin ang tagumpay ng 3rd District ng pangkalahatang 100% compliance ng buong Region 1, na kinikilala ngayon bilang “Champions of Good Governance”.
Sa kabila ng mga hamon sa administrasyon at pagbuo ng mga programang makatao at makabuluhan, nananatiling matatag ang commitment ng mga LGU sa Pangasinan sa pagbibigay ng serbisyong tapat, epektibo, at bukas para sa lahat.