Isang malagim na insidente ang naganap sa gitnang bahagi ng Thailand kung saan sampung (10) Buddhist monks ang nasawi at lima (5) pa ang sugatan matapos silang araruhin ng isang pickup truck na minamaneho umano ng isang 11-anyos na batang lalaki habang isinasagawa ang isang pilgrimage.

Sa panayam kay Rinse Galupo, Bombo International News Correspondent sa naturang bansa kinumpirma ang pinakahuling ulat mula sa Mokdahan Hospital na umabot sa 10 ang nasawi, habang 5 ang ginagamot pa sa ospital.

Ayon sa ulat, nagsagawa ng blood donation appeal ang ospital makalipas ang insidente upang tugunan ang pangangailangan ng mga sugatang biktima.

--Ads--

Batay sa panayam, lumalabas na ang sasakyang sangkot sa aksidente ay minamaneho ng isang 11-anyos na bata.

Ayon kay Galupo, sa ilalim ng batas ng Thailand, walang criminal liability ang mga batang wala pang 12 taong gulang, kaya’t ang mga magulang ang inaasahang mananagot sa insidente.

Kabilang sa pananagutang tinukoy ang gastusin sa pagpapagamot at posibleng kompensasyon sa mga naulila ng mga nasawi.

Ayon pa sa ulat, sa Thailand, ang minimum na edad para sa lisensiya ay: 15 taong gulang para sa motorsiklo at 18 taong gulang para sa sasakyan (kotse at pickup)

Dahil dito, binigyang-diin na hindi dapat nakakapagmaneho ang isang 11-anyos, kaya’t isa rin itong sentro ng imbestigasyon.

Ayon sa ulat, malaki ang pagdadalamhati ng mga residente dahil sa insidente, lalo na’t mataas na rin ang bilang ng aksidente sa kalsada sa Thailand taun-taon.

Ibinahagi rin na ang mga Buddhist monks ay may mataas na paggalang sa lipunan at kadalasang binibigyan ng prayoridad sa pampublikong transportasyon at iba pang lugar.

Nagpaalala si Galupo sa publiko tungkol sa responsableng pag-iingat ng mga armas, sasakyan, at iba pang maaaring magdulot ng panganib, lalo na kung may mga bata sa tahanan.