DAGUPAN CITY- Nakagtala na ng isang nasawi sa halos hindi bababa sa 20 kaso ng firecracker-related injury ang naitala sa Region 1, as of December 26.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Rhuel Bobis, Medical Officer IV ng Deparment of Health (DOH) I, aniya, ito ay kasama sa report na mula sa syudad ng Dagupan.
Binigyan diin niya na sa 12 sa 20 kaso ang naitala sa mismong araw ng kapaskuhan, December 25, at karamihan sa mga ito ay dahil sa 5 star na paputok.
Aniya, tatlo sa nasabing bilang ay kinailangan sumailalim sa amputation sa bahagi ng kanilang kamay dulot ng pinsala ng paputok.
Dalawang kaso naman ang naitalang napinsala ang kanilang mata.
Habang 15 naman sa 20 na kaso ay nagdulot lamang ng blast o burn injury.
Sa nasabing datos, anim naman sa nasabing bilang ng mga nabiktima ay nasa edad 5-9 taon gulang.
Samantala, 12 sa nasabing kaso ay mula sa lalawigan ng Pangasinan subalit, mas bumaba ang kaso sa lalawigan ng 61% kumpara sa nakaraang taon, 2024.
Habang ang kabuoang bilang ay mas mababa naman ng 54.5% kumpara rin sa datos noong nakaraang taon.
Aniya, kung pagbabatayan ang historical data, mananatili silang nakataas sa Code White Alert hanggang January 5, 2026.
Sinabi naman ni Bobis na buong nakahanda ang DOH I sa maaaring kaso ng paputok.
At para mabawasan ito bawat taon, nagpapakalap sila ng impormasyon sa publiko hinggil sa panganib na dala nito.
Mungkahi naman niya sa publiko na manood na lamang ng fireworks display na inorganisa ng Local Government Unit (LGU) upang hindi na sila bumili ng paputok pa.
Nakikipag-ugnayan naman sila sa mga kapulisan sa pagbabantay sa pagbebenta ng illegal at legal na paputok.










