Umabot na sa level 3 ang nararanasang malawakang sunog o wildfire sa South Korea.

Ito mismo ang inihayag sa Bombo Radyo Dagupan ni Michael Bautista tubong Bulacan at kasalukuyang naninirahan sa nabanggit na bansa.

Ayon kay Bautista, nag ugat ang nasabing sunog sa isang poste ng kuryente na nag-short circuit. Hindi umano namalayan ng mga otoridad ang pangyayari dahilan upang lumaki ng lumaki ang apoy hanggang sa tupukin na nito ang nasa mahigit 250 hectares na lupain kasama na ang daang daang mga kabahayan.

--Ads--

Isa na ang kompirmadong patay habang labing isa naman ang naitalang ‘injured’ sa nasabing sunog na ayon pa kay Bautista ay malapit nang pumalo sa historic level dahil sa lala ng kundisyon.

Ayon pa kay Bautista, hindi na kinaya ng mga bombero ang malaking apoy na nananalasa sa

lugar kung kaya’t agad na ring tumulong ang mga firefighter sa himpapawid pati na ang iba pang volunteers maapula lamang ang sunog.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang paglikas ng libo libong mga pamilya na apekatado ng naturang sunog.

Una ng ideneklara ng pamahalaan ng South Korea ang nararanasang wildfire bilang national disaster sa kanilang bansa.