Dagupan City – Nagresulta ng pagkakasawi ng isang indibidwal habang nanatililing inoobserbahan sa ospital ang kasama nito matapos makuryente sa bayan ng Binalonan.
Nangyari ang insidente sa kalsada sa Barangay Sta. Catalina nitong Huwebes ng hapon matapos ayusin ng dalawa ang nakabiting kable ng kuryente sa isang construction truck.
Kinilala ang nasawi na isang 21 -anyos na lalaki na laborer/helper ,may asawa at residente sa bayan ng Mangaldan habang ang kasama nito ay isang 38-anyos na lalaking parehong laborer/helper na residente naman sa bayan ng San Jacinto.
Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente bandang 5:35 ng hapon nang umakyat sa ibabaw ng isang Mixer truck ang dalawang manggagawa para ayusin ang nakalawit na kable gamit ang isang asul na nylon na tali.
Nakasanayan na umano ito ng mga biktima para maiwasang sumabit ang mga kable habang gumagalaw ang trak.
Subalit, sa di-inaasahang pangyayari, nadampi nila ang isang high-tension wire, na nagdulot ng matinding pagkakuryente kung saan parehong nalaglag sa sementadong kalsada ang dalawa, na nagtamo ng malubhang sugat.
Matapos ang insidente ay agad dinala ang mga biktima sa Urdaneta District Hospital, ngunit idineklarang Dead on Arrival (DOA) ang 21-anyos na lalaki habang nanatili namang nakaconfine ang 38-anyos na kasama nito para sa karagdagang paggamot.
Ligtas naman ang driver ng trak na isang 53-anyos na hindi sangkot sa pag-aayos ng kable.
Samantala , Binibigyang-diin ng mga otoridad ang panganib ng improvised na paraan sa pag-aayos ng mga kable, lalo na sa mga lugar na malapit sa high-voltage wires.