DAGUPAN, CITY – Patuloy na nagpapagaling ang 4 na menor de edad sa pagamutan habang nasawi naman ang isa matapos na masabugan ng napulot nilang kwitis sa pagsalubong ng bagong taon sa Barangay Guiguilonen sa bayan ng Mangaldan.

Ayon kay PLt. Charisse Pacheco, WCPD Officer ng Mangaldan PNP, napag-alaman na ang mga biktima ay nagpulot ng mga hindi sumabog na mga paputok noong bagong taon at inilagay ito sa isang basyo ng lata ng pineapple juice.

Hindi kalaunan ay bigla umanong sumabog ang naturang paputok kung saan nagdulot ito ng malakas na pagsabog.

--Ads--

Kinilala ang mga nasugatang mga menor de edad na sina Arden James Revilla 13 taong gulang, John Rey De Guzman 13 anyos, Joshua Bautista 13 taong gulang, at Kendrick Dela Cruz, 15 taong gulang.

Habang nasawi naman ang 9 na taong gulang na si King Emanuel Castillo.

Kasalukuyang nagpapagaling ang apat na iba pang biktima sa Region 1 Medical Center sa lungsod ng Dagupan.

Dagdag pa rito, nagpaalala naman ang hanay ng nabanggit na himpilan sa mga magulang na dapat bantayan nila ang kanilang mga anak na huwag maglaro ng paputok para maiwasan ang ganitong insidente at masiguro ang kanilang kaligtasan.