Dagupan City – Naaresto ang isang high value individual at mahigit tatlong daang libong pisong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa isang buy-bust operation sa Barangay Bayaoas sa lungsod ng Urdaneta.

Kinilala ang suspek na isang 32-anyos na construction worker, residente rin ng Urdaneta City.

Sa operasyon, nakumpiska mula sa suspek ang siyam (9) na heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

--Ads--

Tinatayang may bigat itong humigit-kumulang 50 gramo at may Standard Drug Price na ₱340,000.

Bukod pa rito, nakumpiska rin ang iba pang ebidensya na gagamitin sa pagsasampa ng kaso.

Isinagawa ang operasyon sa pinagsanib na pwersa ng iba’t ibang yunit ng kapulisan sa Rehiyon Uno at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Bago dinala sa Urdaneta City Police Station, isinailalim muna sa medico-legal examination sa Urdaneta City District Hospital ang suspek.

Kasama ang mga nakumpiskang ebidensya, dinala rin siya sa Provincial Forensic Unit sa Lingayen para sa drug testing at laboratory examination.

Kasalukuyang nakakulong na ang suspek sa Urdaneta City Police Station at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Sections 5 (sale, trading, administration, dispensation, delivery, distribution and transportation of dangerous drugs and/or controlled precursors and essential chemicals) at 11 (possession of dangerous drugs), Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.