DAGUPAN CITY—Nasawata ng mga ahente ng PDEA Region 1 ang muling pagpasok ng malaking halaga ng ilegal na droga sa rehiyon, partikular sa lalawigan ng Pangasinan, ayon kay Regional Director Julius M. Paredes, na pumuri sa matagumpay na operasyon ng kanilang hanay.
Ayon kay Paredes, ang mga naarestong personalidad ay nagmula sa Metro Manila at lalawigan ng Rizal, at nahuli sa isang entrapment o buy-bust operation na isinagawa sa pamamagitan ng koordinasyon ng iba’t ibang operating units ng PDEA Region 1.
Nabatid na patuloy ang pagtatangkang magpasok ng ilegal na droga sa Pangasinan at mga karatig-probinsya sa Rehiyon 1, kung saan ginagamit ng mga suspek ang transport services bilang modus.
Binigyang-diin ni Paredes na ang laban kontra ilegal na droga ay hindi lamang responsibilidad ng PDEA at iba pang law enforcement agencies kundi ng buong komunidad, dahil ang mga mamamayan din ang direktang naaapektuhan nito. Sa naturang operasyon, apat na kalalakihan ang naaresto—isa mula Rizal at tatlo mula Quezon City—sa tulong ng isang concerned citizen.
Nasabat sa operasyon ang humigit-kumulang 500 gramo o kalahating kilo ng shabu, kasama ang sasakyang ginamit at iba pang ebidensya, na may kabuuang halagang tinatayang ₱3.4 milyon.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang kasabwat ng mga naaresto, habang lumalabas na ang suplay ng droga ay nagmumula sa Metro Manila at may koneksyon sa mas malaking sindikato. Ayon kay Paredes, maituturing na “napilayan” ang nasabing grupo dahil sa pagkakasabat ng malaking volume ng droga at pagkakaaresto ng apat nitong miyembro.










