Dagupan City – Isinagawa kamakailan ang COA Entrance Conference kung saan iprinisenta ng lokal na pamahalaan sa Commission on Audit (COA) Region I ang mga natukoy na isyu at kakulangan sa ilang proyekto na ipinatupad mula 2022 hanggang 2025, na may kabuuang halagang mahigit ₱230 milyon.

Layunin ng hakbang na ito na maging bukas at tapat sa pagsisimula ng audit process.

Binigyang-diin ng pamahalaang lungsod na pera ng bayan ang ginamit sa mga proyektong may isyu kaya nararapat lamang na ito ay masusing suriin.

Ayon sa pamahalaan, hindi maaaring ipagsawalang-bahala ang anumang pagkalugi at kailangang ituwid ang mga pagkukulang upang maprotektahan ang pondo ng publiko.

Kasabay ng naturang pagpupulong, pormal nang sinimulan ng COA Region I ang audit para sa Calendar Year 2025. Tiniyak ng lokal na pamahalaan ang buong kooperasyon ng lahat ng tanggapan upang matiyak ang maayos, malinaw, at patas na pagsusuri.

Sa huli, iginiit ng pamahalaang lungsod na ang transparency at accountability ang magsisilbing gabay ng pamamahala.

--Ads--

Anumang mali ay haharapin at itatama upang masiguro na ang bawat pisong mula sa kaban ng bayan ay nagagamit nang wasto at para sa kapakanan ng mamamayan.