Dagupan City – Nasakote ng pulisya ang humigit-kumulang ₱600,000 halaga ng shabu sa isang buy-bust operation na isinagawa sa Purok 6, Barangay Quezon Boulevard, San Carlos City, Pangasinan.

Sa panayam kay Police Captain Rowell C. Isit ng Philippine Drug Enforcement Group o PDEG Pangasinan, sinabi nitong nasamsam mula sa isang newly identified drug personality ang ilegal na droga at iba pang drug paraphernalia.

Ayon sa pulisya, ang suspek ay umano’y nag-ooperate sa mga bayan ng Malasiqui, San Carlos, Calasiao, Dagupan, Lingayen, Alaminos, at Bani.

--Ads--

Kinokonsidera ng kapulisan ang suspek bilang isang high-value individual, matapos makumpiska ang humigit-kumulang 80 gramo ng shabu mula rito.

Ang suspek na gumagamit ng alyas na “Abdul” o “Dulong” ay dati na umanong naaresto at naharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 noong 2023, ngunit pinakawalan din sa parehong taon.

Ayon sa pulisya, naging daan umano ang dati nitong pagkakakulong upang makabuo ng mas malawak na koneksyon at makakalap ng impormasyon sa loob ng kulungan.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng PDEG Pangasinan sa iba pang mga personalidad na isiniwalat ng suspek. Batay sa kanilang imbestigasyon, lumalabas na mula umano sa siyudad ng Dagupan, partikular sa Sitio Silungan, ang supplier ng mga ilegal na droga.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng kapulisan sa tanggapan ng piskal at ng hukuman ng lalawigan upang masiguro na ang lahat ng operasyon ay alinsunod sa batas at tamang proseso.

Patuloy rin ang masusing pag-aaral ng mga imbestigador sa mga probisyon at detalye ng nasabing batas upang matiyak na mapapatawan ng nararapat na parusa ang mga lumalabag dito.

Tututukan din ng pulisya ang intel-driven operations at lalo pang palalakasin ang intelligence gathering, katuwang ang iba’t ibang law enforcement agencies at lokal na pulisya.

Kasama sa mga hakbang ang pagpapatupad ng Oplan Galugad o Greenhound operations sa mga jail facilities, gayundin ang pagsasagawa ng drug awareness symposiums at prevention lectures sa mga presinto, barangay, at paaralan.

Asahan naman ang patuloy na pagpapalawig ng kampanya ng kapulisan laban sa ilegal na droga, kasabay ng mas pinaigting na koordinasyon sa mga LGU, PDEA Pangasinan, at iba pang pwersa ng seguridad sa lalawigan.

Nanawagan naman si Police Captain Isit sa publiko na huwag matakot magsumbong sa mga awtoridad ng anumang krimen na kanilang nasasaksihan, lalo na ang may kinalaman sa ilegal na droga.

Nagpasalamat din siya sa patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan sa kampanya laban sa ilegal na droga.