Opisyal nang inaprubahan ang ₱40 milyong Special Fund Assistance (SFA) Grant para sa Dagupan City, na tutulong sa mga residente at komunidad na labis na naapektuhan ng Super Typhoon Uwan.
Nagpahayag ng pasasalamat ang lokal na pamahalaan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang mabilis na pagtugon at suporta sa mga Dagupeño.
Ayon sa LGU, ang agarang aksyon ng Pangulo ay nagbigay ng malaking ginhawa at pag-asa sa mga pamilyang nangangailangan ng tulong.
Kahapon ay inaprubahan ng Local Development Council (LDC) Executive Committee, sa pangunguna ni Acting Mayor Dean Bryan Kua, ang SFA Grant sa ilalim ng Socio-Civic Projects Fund (SCPF) ng Office of the President kung saan ang pondong ito ay ilalaan para sa recovery assistance at mga programang direktang makatutulong sa mga benepisyaryong lubos na nasalanta.
Kasunod nito, ihahain sa Sangguniang Panlungsod ang Proposed Supplemental Annual Investment Program (SAIP) No. 3, Series of 2025, kung saan nakapaloob ang ₱40 milyon para sa mga urgent programs na inaasahang maipatutupad sa lalong madaling panahon.
Layunin ng supplemental funding na masiguro ang mabilis na pagdating ng suporta para sa early rehabilitation at post-disaster recovery ng mga apektadong sektor.
Inaasahang sa tulong ng pondong ito, mas mapapabilis ang pagbangon ng Dagupan City at masisiguro ang agarang pag-abot ng ayuda sa mga pamilyang pinakaapektado ng Super Typhoon Uwan.










